Ang Turistang Hapon

Kararating ko lang galing Thailand at Singapore. Kasama ko ang aking mga ka-opisinang Hapon (at isang Tsino), nag-company trip papuntang Phuket at sa aming pauwi, ay dumaan sandali sa Singapore.

Ako Rin

Nung nasa Pilipinas pa ako ay lagi kong nababalitaan na may mga turistang bus-bus kung bumaba sa may Central Market para mamili ng mga souvenir. Hapon… Amerikano… Arabo… lahat-lahat na. Sila yung tila bumubuhay sa Central Market na sila na rin yung nagbibigay ng negosyo sa aking pamilya.

Sa pagkakataong ito, ako naman yung nakasakay dun sa bus na kung saan-saan bumababa para mamasyal at mamili ng pasalubong. Sa wakas ay akin na ring nakita kung ano ang nangyayari sa loob ng mga bus na ‘yun… kung ano ang iniisip ng mga turistang Hapon at kung paano sila tinatrato ng mga tindera at mga lokal na tao.

Sa wakas, akin na ring nakita ang Timog Silangang Asya sa mata ng Turistang Hapon.

Ang Wikang Hapon

Malamang dahil mukha na rin akong Hapon at ang mga kasama ko ay puro Hapon, napagkakamalan na rin akong Hapon kaya sa aking laking gulat, hinahapon ako ng mga tindera sa mga pinupuntahan naming Souvenir Shops.

Mas magaling pa nga yata sa akin yung iba. Pati yung mga tour guide magagaling mag-Hapon. Sa aking apat na araw na biyahe sa dalawang bansang ito, tila hindi ko kinailangang mag-Ingles. Sapat na ang Wikang Hapon.

Naalala ko tuloy yung sinabi ng kebigan kong si Jeneper na pati sa Cebu, karamihan sa mga tindera sa mga Souvenir Shops at empleyado ng mga Hotel ay marunong mag-Hapon. Napag-isipan ko tuloy dalawin ang Cebu para makita kung ganu sila kagaling mag-Hapon at nang maikumpara ko na rin ang Cebu sa Phuket.

Ang Lapad

Kadalasan din, hindi ko na kelangang magpapalit ng pera dahil maraming tindahan ang tumatanggap ng yen. Akala ko dati ay ang dolyar ng Amerika lang ang maaaring gamitin kahit saang lupalop ng mundo. Wow mali.

Dahil na rin siguro sa dami ng turistang Hapon, natuto na rin ang mga tindahan at hotel na mag-adjust para lalo nilang maakit ang mga turistang Hapon na maglabas ng lapad.

At matagumpay nga sila! Talagang nae-enganyo ang mga Hapon na maglabas ng lapad lalo na kung nagkakaintindihan sila ng mga tindera. Inglisin mo ang mga Hapon at hindi kayo magkakaintindihan… mahihirapan ang tinderang magtinda.

Kaya payo ko sa mga tumatarget na makakuha ng Lapad… mag-aral kayong mag-Hapon! Kahit yung mga salitang ginagamit sa mga Tindahan. Paturo kayo sa pinakamalapit na Japayuki sa inyong lugar. 🙂

Ang Singapore

Ang ganda talaga ng Singapore. Malinis. Mahalaman. Maayos. Kung ako nga ang tatanungin ay masasabi kong mas malinis pa ito kaysa Japan. Mas disiplinado nga lang siguro ang mga Hapon kaya kahit hindi masyadong malupit ang batas sa Japan ay napapanatili pa rin nito ang kalinisan sa mga kalye at mga pampublikong lugar.

Impressed na impressed ako sa Singapore pero laking gulat ko na di tulad ko, hindi masyadong impressed ang mga Hapon. Sang-ayon sila na malinis at maganda ang Singapore pero halos wala sa kanila ang gustong manirahan duon. Mas pipiliin pa nila ang Phuket kaysa Singapore dahil sa Phuket daw ay nakaka-relax. Ang Singapore ay para lang Tokyo… isang malaking syudad.

Isang natutunan ko sa Singapore… hwag mainggit sa ganda ng Singapore o sa kahit anu mang malaking syudad. Mas masarap ang mamuhay ng simple at relaxed.

Ang Pauwi

Natapos na rin ang Singapore at kami ay sumakay na pauwi ng Japan. Ang aming eroplano ay lumipad papuntang Nagoya. Halfway ng biyahe ay dumaan sandali sa itaas ng Maynila. Dito ko naisip na malaki ang potensyal ng Pilipinas para maakit ang mga turistang Hapon. Mas malapit tayo sa kanila (3.5 hours ikumpara sa 7.0 hours papuntang Singapore) at sa dinami-dami ba naman ng Pinoy na nakapag-trabaho sa Japan ay mas marami rin sa atin ang marunong mag-Nihongo.

May bago akong pangarap… pangarap kong makapag-tayo ng isang Travel Agency sa Pilipinas na ang pangunahing target ay ang mga Hapon.

Advertisements

One Comment Add yours

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s